Pinagpapaliwanag ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang alkalde sa bayan ng Baggao kaugnay sa kumakalat na larawan at video nito ng pagsasayaw sa isang kasalan ng walang suot na facemask.

Kaugnay nito, pinagpapaliwanag din si Mayor Joan Dunuan hinggil sa pagpayag nito nang pagdadaos ng kahalintulad na pagtitipon na dinaluhan pa ng alkalde at maraming tao, na labag sa umiiral na community quarantine.

Sinabi ni Mamba na bilang mga public officers ay inaasahan na silang mga opisyales at lideres ang dapat maging ehemplo upang mapasunod ang mga nasasakupan nilang mamamayan.

May 48-oras naman si Dunuan upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Nauna nang sinabi ni Dunuan na hindi pa umiiral ang MECQ status sa lalawigan ng maganap ang naturang pagtitipon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay pumapangalawa na ang bayan ng Baggao sa lalawigan na may pinakamaraming aktibong kaso ng Covid-19 sa bilang na 173 active cases base sa datos noong May 28.