Muling nasungkit ng bayan ng Baggao ang kampeonato sa katatapos na Pabbarayle Festival Competition 2023 ngayong Aggao Nac Cagayan.
Taong 2018 nang unang tanghaling Grand Winner ang Baggao matapos pinatunayan ang husay at galing nito sa street dancing competition.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Aiza Senteno, tourism officer designate ng Baggao na sulit ang tatlong Linggong pagsasanay ng mga estudyanteng kalahok ngayong taon mula sa Baggao National High School.
Ibinida ng nasa 160 participants ang Agta Festival ng Brgy Sta Margarita o ang mayamang kultura ng mga kapatid nating Agta na kinuha ang konsepto sa kasaysayan ng Baggao na dating hunting ground.
Bukod sa tropeo bilang Grand winner ay nag-uwi ang Baggao ng P200-K cash at P1 milyon halaga ng tourism project matapos talunin ang 7 bayan at isang siyudad sa dance parade at showdown.
Sinabi ni Senteno na mapupunta sa paaralang kalahok ang cash prize habang ang tourism project ay gagamitin para sa pagpapaganda sa pathway ng sikat na tourist destination na blue water.
Ayon naman kay Tessie Molina, punong-guro ng Baggao National High School na ang matitira sa perang napanalunan ay gagamitin para sa isang proyekto na ipapatayo para sa paaralan bilang remembrance sa naturang kompetisyon.
Samantala nasa maayos namang kalagayan ang nasa 10 estudyanteng kalahok mula Baggao na nakaranas ng pagkahilo dahil sa init ng panahon sa Lungsod kung saan agad silang nalapatan ng lunas ng rescue 116 ng LGU na sumama sa naturang event.
Nakamit naman ng bayan ng Sta Ana ang 1st Runner up at naguwi ng P100-K cash at P500-K halaga ng tourism project kung saan nakuha pa nito ang Best in Mutya Cagayan na may P10-K na pa-premyo sa nasabing tagisan ng husay sa pagsasayaw.
Itinanghal naman ang bayan ng Allacapan na 2nd runner up na naguwi ng P50-K at P300-K halaga ng tourism project.
Sa iba pang special award, nakuha ng Tuguegarao City Most Disciplined Contingent at Tuao na Best Overall Production Design na kapwa nag-uwi ng P10-K.
Bawat pangkat na lumahok ay nakatanggap ng P20-K na consolation prize kaya walang umuwing luhaan.