
Nanindigan at nagsalita na ang sinasabing “bagman” na si Ramil Madriaga na isa si Vice President Sara Duterte sa tumanggap umano ng donasyon na POGO money mula China para sa kanyang kampanya.
Ayon sa abogado ni Madriaga na si Atty. Raymond Palad, hindi dapat isantabi ang mga pahayag ng kanyang kliyente kahit pa may kinakaharap itong kasong kidnapping.
Ayon kay Palad, hindi pa convicted si Madriaga at may karapatan siyang magsalita at maglahad ng nalalaman.
Ibinunyag ng kampo ni Madriaga na umano’y personal nitong kinukuha ang pera mula sa mga Chinese national na sangkot sa POGO at inihahatid sa mga itinalagang contact persons — na ayon sa alegasyon ay kabilang umano ang opisina ng Bise Presidente.
Consistent din ang salaysay ni Madriaga na may natanggap na donasyon si Duterte mula sa POGO, bukod pa sa iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Gayunman, sinabi ng kanyang kampo na hindi pa ilalantad ang mga pangalan hangga’t hindi pa ganap na nabeberipika ang mga impormasyong hawak nila.
Inamin din ni Palad ang pagkakaroon ni Madriaga ng tatlong cellphone, kung saan ang isa aniya ay ibinigay mismo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at naglalaman ng mga larawan, tala, mensahe, at call logs na posibleng magsilbing ebidensya sa pagkuha at paghatid ng pera sa kampo ni VP Sara kahit pa itinatanggi nito na kakilala ang bagman at pinupulitika lang siya at gustong siraan siya dahil sa plano niyang tumakbo na presidente sa susunod na eleksyon.
Bunsod nito nanawagan ang kampo ni Madriaga sa Office of the Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan sa likod ng umano’y pagtanggap ni VP Sara ng pera mula sa POGO.










