Tiniyak ng 5th Infantry Division Philippine Army ang suporta sa bagong AFP chief na si Lieutenant General Felimon Santos, Jr.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kumpiyansa si Maj. Gen. Pablo Lorenzo, 5th ID commander na magagampanan ni Santos ang mga isyu sa internal security operations, teritorial integrity at sovereignity at insurhensiya.

Sa inilatag na programa ni Santos sa command conference, sinabi ni Lorenzo na walang nagbago sa mga nasimulang reporma at programa ng AFP gaya ng pagpapatupad sa AFP Development Support Security Plan “Kapayapaan” na target tuldukan ang problema ng insurgency alinsunod sa AFP Transformation Road map.

Isa aniya sa pagtutuunan nila ng pansin ay ang paglaban sa New Peoples Army.

Tinututukan na aniya nila ang mga stratehiya para maibigay ang mga pangangailagan sa mga conflict areas.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Lorenzo na patuloy ang ibibigay na suporta ng AFP sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at sa iba pang mga law enforcement agencies.

Hiningi rin ng AFP ang suporta ng mga stakeholders at mga local government units para tuloy tuloy na maisagawa ang mga programa at proyekto ng AFP.

Si Santos ay umupo bilang bagong AFP chief nitong January 4, 2020 na pinangunahan mismo ni Pang. Rodrigo Duterte ang kanyang panunumpa.