Tubong Cagayan ang bagong talagang chairperson ng Commission on Higher Education (CHED) na si commissioner Shirley Agrupis.
Si Commissioner Agrupis ay nagmula sa bayan ng Aparri, Cagayan kung saan nagtapos siya ng elementarya bilang valedictorian sa Bangag Elementary School taong 1977; at bilang valedictorian din sa Bukig National Agricultural and Technical School taong 1981.
Bago ang kanyang pagkakatalaga bilang CHED Commissioner noong August 2024, nagsilbi si Agrupis na presidente ng Mariano Marcos State University.
Siya ay cum laude graduate ng BS Biology at natapos niya ang kanyang Master of Science, major in Plant Morpho-Anatomy at Physiology sa University of the Philippines sa Los Baños.
Nakamit din niya ang Doctor of Philosophy in Agricultural Sciences sa United Graduate School of Agricultural Science, Gifu University, Shizuoka University Campus sa Japan.
Nakatanggap din siya ng maraming parangal kabilang ang William D. Dar Research Leadership Award ng Philippine Association of Research Managers, Outstanding Science Administrator Award mula sa National Academy of Science on Technology, Most Outstanding Ilocano 2019 at ang Civil Service Commission’s Lingkod Bayan Award in 2020.
Papalitan ni Agrupis si Prospero De Vera III bilang chairperson ng CHED.
Ito ay bahagi ng ginagawang paglilinis ng Marcos administration sa mga top brass kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembero ng gabinete, heads of agencies, presidential advisers at assistants at iba pang appointees na magsumite ng courtesy resignations.