
Prayodidad ng bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagtutok sa lumalalang cybersecurity threats sa buong Pilipinas.
Ayon kay DICT Secretary Robert Joseph De Claro, kailangan ang pagpapatibay sa cybersecurity sa buong bansa dahil sa lumalala at lumalawak na iba’t-ibang cyber threats na nakakaapekto sa maraming sector.
Apektado aniya ang maraming Pilipino sa mga naturang cyberthreat, anuman ang edad.
Maliban dito, naghahanda na rin ang bagong kalihim sa nalalapit na budget hearing sa Senado, habang nauna na rin siyang nakipagpulong kay President Ferdinand Marcos Jr. para talakayin ang mga pangunahing prayoridad ng DICT.
Kabilang sa mga nabanggit umano ng pangulo ay ang pagsusuri muna sa pondo, gastusin, at mga natitirang bayarin ng kagawaran, kasabay ng kaniyang pormal na pag-upo sa pwesto.
Nais din ng bagong kalihim na makabuo ng AI Governance Framework sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan upang makahabol ang Pilipinas sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Dagdag pa rito ang pagpapalakas at pagpapalawak sa koneksyon sa mga public Wi-Fi sites.




