Pinabulaanan ng Chinese Embassy sa Pilipinas nitong Biyernes ang kumakalat sa social media ukol sa bagong disease outbreak sa China na nagdudulot ng “international health concern,” at tinawag itong “fake news.”

Matatandaang lumabas sa ilang social media posts ang pagsirit ng respiratory illnesses sa China, kabilang ang human metapneumovirus (HMPV), Influenza A, Mycoplasma pneumoniae, at Covid-19.

Tinawag ni Chinese Embassy Director for Media Section Tom Wu, sa isang Viber message, ang kumakalat na mga post na “fake news.”

Itinanggi rin ni Wu ang mga post na nagsasabing nagdeklara ang China ng state of emergency sa pagsirit ng respiratory illnesses sa mga ospital at crematoriums.

Nilinaw naman ng Department of Health (DOH) na walang kumpirmasyon mula sa World Health Organization (WHO) o Chinese authorities ukol sa umano’y outbreak.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak din nito sa mga Pilipino na bineberipika nito ang impormasyon ukol dito at pinaalalahanan ang publiko na iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong ulat upang maiwasang kumalat ang misinformation at pagkalito.