
Isiniwalat ni House prosecutor at Ako Bicol Party-list Rep. Terry Ridon na may bagong ebidensyang ihaharap laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y mga ari-ariang hindi naideklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2007 hanggang 2024.
Ginawa ni Ridon ang pahayag sa paglulunsad ng Bantay Impeachment sa Claret School sa UP Village, Quezon City, habang naghahanda ang House prosecution panel para sa pagsusumite ng kanilang pretrial brief sa Senado.
Ayon kay Ridon, ang bagong ebidensya ay tumutukoy sa mga ari-arian na umano’y nakapangalan kay Duterte at sa kanyang asawa na lumilitaw sa rekord ng isang ahensya ng gobyerno ngunit hindi nakasaad sa kanyang mga isinumiteng SALN sa loob ng halos dalawang dekada.
Sinabi niya na ang naturang ebidensya ay hindi naiprisinta sa mga pagdinig ng House Committee on Justice at ilalahad pa lamang sa pretrial proceedings ng impeachment case.
Ang isyu ay kaugnay ng artikulo ng impeachment na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman o unexplained wealth ni Duterte, isa sa apat na reklamong ipinasa ng Kamara sa Senado.
Bukod dito, kinahaharap din ng Bise Presidente ang mga reklamong may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno, panunuhol, at pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Ridon, maaaring maghain ang prosekusyon ng karagdagang ebidensya hanggang sa pagtatapos ng pretrial proceedings kung ito ay may kaugnayan sa mga isinampang artikulo ng impeachment.
Inaasahang maisasama ang detalye ng bagong ebidensya sa pretrial brief na ihahain sa Senado sa mga susunod na araw, kabilang ang mga dokumento at testigong ipiprisinta ng prosekusyon.
Kinilala rin ni Ridon ang papel ni Manila Rep. Joel Chua sa pagkakatuklas ng bagong ebidensya na maaaring magpatibay sa kaso ng prosekusyon sa oras na umusad ang paglilitis.










