Ipinahayag ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na hindi muna popondohan ng 2026 National Budget ang pagtatayo ng mga bagong pasilidad pangkalusugan hanggang hindi natatapos ang mga naunang health infrastructure projects ng pamahalaan.

Ayon kay Gatchalian, dapat pagtuunan muna ng pansin ng gobyerno ang mga hindi pa tapos na ospital, rural health centers, at mga super health centers bago maglaan ng pondo sa panibagong mga proyekto.

Binanggit din niya na marami sa mga natapos na pasilidad ay hindi pa rin operational dahil kulang sa mga doktor, nars, kagamitan, at pondo para sa araw-araw na operasyon.

Tinukoy din ng senador na isa sa mga pangunahing problema ng Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ay ang kakulangan ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan bago simulan ang mga proyekto.

Dahil dito, maraming health centers ang nananatiling hindi nagagamit.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak naman ng DPWH na makikipagtulungan ito sa DOH upang tapusin ang mga nakatiwangwang na proyekto at matiyak na magagamit nang maayos ang mga ito.

Layon ng hakbang na ito na maiwasan ang pagsasayang ng pondo at masiguro na ang mga naunang ipinatayong pasilidad ay magiging ganap na kapaki-pakinabang sa mga mamamayan.