Umaasa ang Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan na aaprubahan ni Governor Manuel Mamba ang kahilingang mailibre ang unang 20,000 na Enhanced Visa (E-VISA) stickers para sa mga motorcycle owners ng lalawigan.

Itoy makaraang aprubahan ng Sanggunian ang mga pagbabago sa mas pinalawig na “E-VISA” na nagmula sa OPLAN VISA na inilunsad noong 2011 para sa mas mahusay at pinag-ibayong kampanya kontra kriminalidad sa buong Region 2.

Ayon kay Ex-Officio Board Member Maila Ting-Que, chairman ng Committee on Peace and Order na magiging online na ang application ng E-VISA at magiging cloud server na rin ang storage nito kung saan ang mga soft copies ng mga datos ay naka-secure sa database ng PNP.

Sa naturang programa, sinabi ni Que na kinakailangang magrehistro ang isang indibidwal sa online at hanapin lamang sa facebook ang PNP lingkod bayanihan.

Dito isusumite ang mga detalye ng motorsiklo, kabilang na ang larawan ng kopya ng OR at CR nito, drivers licence, Deed of Sale kapag nabili ng second hand ang motor o Certification mula sa motorcycle company kung ito ay kabibili o hulugan ang motor.

-- ADVERTISEMENT --

Personal namang kukunin sa nasasakupang PNP stations ang bagong Oplan E-Visa Sticker na may QR code at 3-years validity kung saan mayroon lamang babayarang minimum na P50.

Gayunman, sinabi ni Que na kasama sa inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan at nag-aantay pa para sa pag-apruba ni Mamba na gawing libre ang unang 10,000 hanggang 20,000 na Oplan E-VISA sticker na hati-hatiin sa 29 na bayan ng Lalawigan.

Layunin ng naturang programa na mas mapabilis ang tracing sa motorcycle driving suspects na bumibiyahe sa pampublikong lansangan.