
Isang bagong panganak na sanggol na babae ang iniwan sa bypass road sa Carig, Tuguegarao City, na nakabalot at inilagay sa isang karton kaninang umaga.
Sinabi ni May Asuncion, social worker ng City Social Welfare and Development Office na isang residente ang nakakita sa sanggol kaninang umaga, na agad na ipinagbigay-alam sa kagawad sa lugar na sinabi din sa mga pulis.
Matapos na palitan ang bansang lampin ng sanggol ay dinala ito ng mga pulis sa People’s General Hospital.
Sinabi ni Asuncion na sa pagsusuri sa sanggol ay nasa maayos naman ang kundisyon.
Subalit mananatili pa ang sanggol sa ospital ng tatlo hanggang limang araw para matiyak ang kanyang maayos na kalusugan.
Ayon kay Asuncion, may senyales na nanganak sa isang birthing center ang ina dahil sa may nakalagay na clamp sa kanyang ambilical cord.
Kaugnay nito, sinabi ni Asuncion na sisikapin na hanapin ang ina ng sanggol.
Subalit kung mabibigo na mahanap ang ina, ipapasakamay muna nila ito sa child placement agency, habang patuloy ang paghahanap sa ina o sa mga kamag-anak.
Kasabay nito, sinabi ni Asuncion na may nagpahayag na rin ng interes na alagaan ang sanggol, subalit ang iniiwasan nila ay ang emotional attachment ng foster parents, dahil tiyak na maaapektohan sila kung babawiin ito ng kanyang ina.
Ipinaliwanag niya na kung sakali man na mahanap ang ina, aalamin pa rin nila kung may kakayahan ito na alagaan ang anak, at kung hindi man, ay nagbibigay naman sila ng tulong tulad ng livelihood assistance para magkaroon ito ng hanap-buhay.
Sinabi niya na kung sakali man na mabibigo na mahanap ang ina, dadaan sa proseso hanggang sa ideklara legally available for adoption ang bata.