Pitong person of interest ngayon ang iniimbestigahan ng PNP Baggao na posibleng sangkot sa pagtatapon sa kakapanganak na lalaking sanggol na natagpuang sunog sa basurahan sa compound ng isang boarding house sa brgy. San Jose, Baggao, Cagayan.
Ayon kay PCAPT Jackelyn Urian, Deputy Chief of Police ng PNP Baggao, itinawag kaninang umaga (Abril 26, 2023) ng may-ari ng boarding house ang natuklasan nila na wala ng buhay na bagong panganak na sanggol.
Ang sanggol ay nakitang na mayroon pang umbilical cord ngunit wala na ang isang paa at sunog ang kalahating katawan nito
Batay aniya sa imbestigasyon, nakita umano ng mga residente at ng land lady ng naturang boarding house na may nagsunog sa basurahan na nasa kanilang compound gabi ng Abril 25 ngunit hindi nila nakita kung sino ang gumawa nito.
Kaugnay nito, nang mag-linis naman ang land lady kinaumagahan ay inakala niya na manika lamang ang nasa basurahan ngunit nang suriin nito ay tumambad sa kanya ang bangkay ng sanggol na wala na ang isang paa at sinasabing tinangay at kinain umano ng aso.
Sinabi ni Urian na sa ngayon ay nakatakda namang isailalim sa Autopsy ang bangkay ng Sanggol na pinangalanang baby Angelo upang matukoy kung ano ang sanhi ng naging pagkamatay nito.