Inilibing na ng kapulisan sa lungsod ng Tuguegarao sa Dadda cemetery ang bagong panganak na sanggol na nakitang wala ng buhay sa tabi ng basurahan sa palikuran sa commercial center kahapon ng hapon.

Sinabi ni PCAPT Gilbert Fajarillo ng PNP Tuguegarao, batay sa pagsusuri ni Dr. Gloria Ferrer ng People’s General Hospital, ang sanggol ay isang babae at pitong buwang gulang lamang.

Ayon kay Pajarillo, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nakita ni Rosemarie Tumbali, utility worker sa commercial center o ang dating Mall of the Valley ang patay ng sanggol ng 5:30 p.m. kahapon habang siya ay naglilinis at nangongolekta ng basura sa unang palapag ng mall.

Batay sa salaysay ng utility worker, inusisa niya ang isang ecobag na nasa tabi ng basurahan sa palikuran, kung saan may nakalagay sa loob nito na karton ng sapatos.

Nang buksan niya ito ay laking gulat niya nang makita niya ang patay ng sanggol.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Fajardo na tinitignan na nila ang mga CCTV na malapit sa nasabing palikuran upang malaman kung sino ang nag-iwan sa nasabing sanggol.

Ayon sa kanya, isang maliit na babae ang kanilang pinaghihinalaan na nag-iwan sa nasabing sanggol.