Nilinaw ng Land Transportation Office na walang bagong regulasyon laban sa imported na sasakyan, illegal modifications, at tire age, matapos kumalat sa social media ang umano’y panibagong patakaran ng ahensya.

Pinabulaanan ng LTO na may inilabas itong direktiba kaugnay ng pagpull-over ng imported, project, at exotic cars para inspeksiyunin ang importation documents, engine numbers, o umano’y pagbabawal sa malalakas na tambutso at iba pang modification.

Itinanggi rin na may utos na mag-isyu ng tiket para sa mga gulong na lampas limang taon ang tanda o na maaapektuhan ang vehicle registration base sa mga nabanggit na kondisyon.

Nagpaalala ang LTO na walang bagong polisiya o memo tungkol sa mga isyung ito at nanawagan sa publiko na huwag maniwala sa maling impormasyon na kumakalat online.

Hinimok din ng ahensya ang motorista at publiko na sundan lamang ang kanilang opisyal na website at social media pages para sa tama at opisyal na anunsiyo.

-- ADVERTISEMENT --