Binuksan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang isang sangay ng ahensiya sa Provincial center sa San Isidro Sur, Luna, Apayao upang magbigay ng health services sa malalayong lugar.

Ayon kay Heherson Pambid, manager ng PCSO Cagayan na seryoso ang PCSO sa pagbibigay serbisyo upang matiyak na ang medical at health care programs ng gobyerno ay makakarating sa target clients na “poorest of the poor”.

Sinabi ni Pambid na kailangan pang pumunta sa Tuguegarao City o Tuao, Cagayan ang mga residente sa Apayao na nangangailangan ng tulong medikal upang makipila.

Maliban sa financial at medical assistance, nagbibigay din ang PCSO ng mga medical equipment sa mga ospital ng gobyerno tulad ng mga gumagawa ng prosthetics.

Target ng PCSO na magbukas pa ng mga sangay sa Cagayan at Apayao sa susunod na taon upang matupad ang hangarin na universal health care para sa Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Susunod namang pasinayaan ang itatayong opisina ng PCSO sa lalawigan ng Quirino.

Kasabay nito, namahagi ang PCSO ng P1.5 milyon sa pitong bayan sa lalawigan ng Apayao na malubhang sinalanta ng bagyong Quiel.

Nakatanggap ng tig-P100,000 ang bayan ng Conner, Flora, Sta Marcela, Kabugao at Luna habang tig-P500,000 sa Calanasan at Pudtol.

Aniya, gagamitin ng mga nasabing bayan ang naturang halaga sa pagtulong sa mga kababayang naapektuhan ng kalamidad

Matatandaan na isinailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Apayao dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.