Tuguegarao City- Inaprubahan ng Tuguegarao City Council ang kahilingan ng Federation of Tricycle Operators and Drivers Association (FETODA) na amyendahan ang ordinansa at baguhin ang scheme ng kanilang pamamasada sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Councilor Reymund Guzman, sumang-ayon ang 8th City council sa kagustuhan ng mga tricycle driver kung saan ang may ending plate number na 1,2,3,4 ay mamamasada sa araw ng Lunes at Martes.
Miyerkules at Huwebes naman ang may ending no. na 5, 6 at 7 habang sa araw naman ng Biyernes, Sabado at Linggo ay maaring mamasada ang mga may ending mumber na 8, 9 at 10.
Nakasaad sa inamyemdahang ordinansa na ang mga may ending no. na 1, 2, 3, 4 at 5 ay mamamasada sa mga araw ng Lunes, Miyerkules at Biyernes habang ang mga may ending no. na 6, 7, 8, 9 at 10 ay sa araw ng Martes, Huwebes, Sabado at Linggo.
Ginawa ng konseho ang hakbang batay na rin kahilingan ng asosasyon dahil maliit lamang umano ang kanilang kinikita ngayong panahon ng krisis na dulot ng pandemya.
Umaasa ang opisyal na sa pamamagitan ng pag-apruba sa kahilingan ng mga tricycle drivers ay maging epektobo ito sa kanilang pamamasada.
Ipatutupad naman ito oras na mapirmahan ni Tuguegarao City Mayor Atty. Jefferson Soriano.
Ipinaalala naman nito ang pagsunod sa mga inilatag na panuntunan upang makaiwas sa pagkalat ng virus.