Pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Health ang pagpapasinaya sa bagong renovate na Social Services Office at Admitting Section ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC.

Nabatid na inayos ng CVMC ang mga nasabing unit ng ospital para sa kaginhawaan at mas mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga pasyente.

Nakipagpulong din sina Asst. Secretary Atty. Paolo Teston, Asst. Cluster Lead of the Health Regulation and Facility Development Cluster, Undersecretary Achilles Gerard Bravo ng Internal Management Cluster at Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao, Head ng Universal Health Care Health Services Cluster Area I sa mga opisyal ng CVMC sa pangunguna ni Dr. Cherry Lou Antonio, Medical Center Chief at Department of Health o DoH Region 2 na pinamumunuan ni Regional Director Amelita Pangilinan para lalo pang mapahusay ang serbisyong pangkalusugan sa rehiyon dos.

Inilatag naman ni Dr. Antonio ang mga plano at programa na isinasakatuparan bilang tugon sa adhikain ng pamahalaan na ma-decentralize o maibaba sa mga rehiyon ang mga specialty centers para mas madali itong ma-access ng publiko lalo na sa mga mahihirap

Nagsagawa rin ng inspeksiyon ang mga DoH officials sa mga pasilidad ng CVMC para alamin ang mga dapat pang i-improve na mga health facilities para sa pinabuti, pinaigting at pinalawak na serbisyo ng ahensiya dahil sa bagong pilipinas, bawat buhay ay mahalaga.

-- ADVERTISEMENT --