

Tuguegarao City- Pinag-aaralan ngayon ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang nakikitang pinakabagong strain ng swine flu o animal disease sa bansa.
Ito umano ay bunsod sa nakikita na maaaring masamang epekto nito sa mga alagang hayop at sa tao.
Sa panayam kay Dr. Ronnie Domingo, National Director ng BAI, kabilang sa binabantayan ay ang h5n6 at h5n1 influenza virus na maaaring dumapo sa mga baboy at iba pang mga hayop.
Kaugnay nito ay mayroon na din aniyang pag-aaral ang China hinggil sa strain ng h1n1 na dulot ng G4 virus sa kanilang bansa at sinasabing may posibilidad na maging pandemic.
Gayonpaman, nilinaw ni Dr. Domingo na magkaiba ang nasabing strain ng virus at ang binabantayan ngayon ng China ay wala sa bansa.
Giit pa nito, pinaiigting ngayon ng kanilang tanggapan ang pakikipag-ugnayan sa Deaptartment of Agriculture, National Meat Inspection Service, DENR at iba pang ahensya upang bantayan ang nasabing usapin.
Sa ngayon ay tinututukan aniya ng mga nasabing tanggapan ang kanilang “Bio-security program” bilang tugon dito.
Bagamat, low-risk ang pilipinas sa nasabing virus ay hindi dapat maging kampante kaya’t kailangan itong pag-aralang mabuti.
Muli ay umapela naman siya sa publiko na ipag-bigay alam sa mga otoridad kung may mga naoobserbahang sakit sa mga alagang hayop upang agad na masuri ang mga ito.










