Ganap nang tropical storm ang dating Tropical Cyclone Ada, ayon sa ulat ng weather bureau nitong Huwebes.

Batay sa pinakahuling advisory, nananatili si Ada sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at huling namataan 400 kilometro sa silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 65 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot sa 80 kph.

Bunsod nito, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 13 lugar, na inaasahang makararanas ng hangin na 39 hanggang 61 kph at pauli-ulit na pag-ulan sa loob ng 36 oras. Kabilang sa mga apektado ang Silangang bahagi ng Camarines Sur (Caramoan, Presentacion, Garchitorena),Sorsogon, Timog-silangang bahagi ng Albay (Rapu-Rapu, Manito, Legazpi City, Bacacay, Sto. Domingo, Tabaco City, Malilipot, Malinao, Tiwi), Catanduanes, Northern Samar, Samar, Eastern Samar, Silangang bahagi ng Biliran (Maripipi, Kawayan, Culaba, Caibiran, Cabucgayan), Silangang bahagi ng Leyte (kabilang ang Tacloban City at mga karatig-bayan), Silangang bahagi ng Southern Leyte, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur.

Ayon sa weather bureau, Signal No. 2 ang maaaring maging pinakamataas na babala na itataas habang nananatili ang bagyo sa forecast period.

-- ADVERTISEMENT --

Inaasahang unti-unting lalakas pa si Ada habang kumikilos sa Philippine Sea sa susunod na 48 oras. Posible umano itong dumaan malapit sa Eastern Samar at Northern Samar pagsapit ng Sabado, at sa Catanduanes naman sa Linggo, Enero 18.

Hindi rin inaalis ang posibilidad ng landfall sa Eastern Visayas at Bicol Region.