Bahagyang bumilis ang Tropical Depression Crising habang nananatili ang lakas nito sa silangang bahagi ng Aurora, ayon sa pinakahuling ulat ng weather bureau.

Ang bagyo ay huling namataan sa layong 350 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora, taglay ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras at bugso na umaabot sa 70 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Dahil dito, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa 21 lugar sa Luzon.

Kabilang dito ang mga probinsya ng Batanes, Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), Isabela, Apayao, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, La Union, Quirino, at ang hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler, Maria Aurora).

-- ADVERTISEMENT --

Kasama rin sa listahan ang Nueva Vizcaya, hilagang bahagi ng Nueva Ecija (Carranglan, Pantabangan), hilagang bahagi ng Pangasinan, Polillo Islands, Camarines Norte, at ang hilagang-silangang bahagi ng Camarines Sur.

Ang Catanduanes ay kabilang din sa mga apektado.

Inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan ang Crising hanggang Biyernes ng gabi, partikular sa mga lugar gaya ng Cagayan at Isabela na posibleng makaranas ng higit sa 200mm ng ulan.

Samantala, 100-200mm ng ulan ang posibleng maranasan sa Apayao, Kalinga, Quirino, Aurora, Quezon, Camarines Norte at Camarines Sur.

Apektado rin ang ilang bahagi ng Ilocos Region, Cordillera, at Bicol Region, gayundin ang ilang lalawigan sa Eastern Visayas.

Nagbabala ang ahensiya na posibleng umakyat sa Signal No. 2 ang mga nasabing lugar kapag lumakas pa at naging tropical storm ang Crising.

Bukod sa ulan at hangin, pinapayuhan din ang mga marino at mangingisda na huwag muna pumalaot lalo na sa mga lugar na may banta ng malalakas na alon at posibleng storm surge na may taas na 1.0 hanggang 2.0 metro sa mga baybaying-dagat ng Cagayan, Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.

Inaasahang tatawid si Crising sa hilagang bahagi ng Northern Luzon matapos itong mag-landfall sa Cagayan o Babuyan Islands sa hapon o gabi ng Biyernes.

Posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo pagsapit ng Sabado ng hapon o gabi.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad na mag-ingat at manatiling nakaantabay sa mga susunod na abiso.