Lalo pang lumakas ang dating bagyong Bising na ngayo’y isa nang severe tropical storm na pinangalanang Danas, ayon sa ulat ng weather state bureau nitong Sabado ng gabi, Hulyo 5.
Namataan ang bagyo bandang alas-10 ng gabi sa layong 410 kilometro sa kanluran ng Basco, Batanes, at nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hangin na 110 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 135 kilometro kada oras habang kumikilos pahilagang-silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Dahil sa bagyong Danas, itinaas ang Gale Warning No. 1 sa baybayin ng Batanes at kanlurang bahagi ng Babuyan Islands, kung saan posibleng maranasan ang mapanganib na karagatan na may taas ng alon hanggang 4.5 metro.
Pinag-iingat ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat at pinayuhang huwag munang pumalaot.
Sa Ilocos Norte, inaasahan din ang mapanganib na karagatan na may taas ng alon na hanggang 3.5 metro kaya’t binalaan ang mga mangingisda, lalo na ang gumagamit ng maliliit na bangka, na iwasan ang paglalayag.
Inaasahang lalo pang lalakas si Danas at posibleng umabot sa typhoon category ngayong Linggo habang patuloy itong kumikilos palabas ng PAR.
Sa susunod na 72 oras, tinatayang magpapatuloy ito sa northeastward na direksyon at maaaring pansamantalang dumaan sa northwestern boundary ng PAR sa pagitan ng Linggo ng gabi at Lunes ng umaga.
Patuloy ang paalala ng weather state bureau sa mga marino at mangingisda na mag-ingat at sumunod sa mga abiso ng lokal na awtoridad habang hindi pa humuhupa ang masamang panahon.