Hinagupit ng bagyong Danas ang southern Taiwan na may dalang malalakas na hangin at ulan kaninang umaga, kung saan dalawang katao ang namatay at mahigit 330 ang nasugatan na isang hindi karaniwang nararanasan sa nasabing lugar na may maraming populasyon.
Sarado ngayon ang mga negosyo at mga paaralan dahil sa bagyong Danas, ang bagyong Bising na mula sa bansa.
Madalas na dinadalaw ng mga bagyo ang Taiwan subalit ang mga ito ay tumatama sa mabundok at walang gaanong populasyon sa east coast na nakaharap sa Pacific.
Sinabi ni President Lai Ching-te, kakaiba ang track ng nasabing bagyo, kung saan apektado ang buong Taiwan sa dala nitong malalakas na hangin at ulan.
Naputol din ang suplay ng kuryente sa halos kalahating milyong kabahayan at mahigit 300 na domestic at international flights ang kinansela.
Ayon sa National Fire Agency, isa ang namatay matapos na mabagsakan ng punong-kahoy habang nagmamaneho habang ang isa pa ay matapos na magkaroon ng sira ang kanilang respirator dahil sa walang kuryente.
Naitala ang nasa 220 kilometers per hour na lakas ng hangin sa southwestern county ng Yunlin, habang 700 na punong-kahoy at street signs ang inilipad sa ibang mga lungsod at bayan.
Inaasahan na unti-unting lalapit ang bagyong Danas sa coastal areas sa pagitan ng Taizhou City at Fuzhou city sa kalapit na Fujian province.
Tinataya na mag-landfall ang bagyo sa nasabing lugar bukas.