Papalapit na sa kalupaan ng kanlurang bahagi ng Pangasinan ang Bagyong Emong nitong Huwebes ng gabi, ayon sa ulat ng PAGASA.

Dakong alas-7 ng gabi, namataan ang sentro ng bagyo sa karagatang sakop ng Burgos, Pangasinan na may lakas ng hangin na umaabot sa 120 kilometro kada oras at bugso na hanggang 165 kilometro kada oras.

Mabagal itong kumikilos pa-silangan at inaasahang magla-landfall o dadaan malapit sa kanlurang bahagi ng Pangasinan sa loob ng susunod na tatlong oras.

May posibilidad din itong mag-landfall sa bahagi ng La Union o Ilocos Sur mamayang hatinggabi o sa madaling araw ng Biyernes.

Dahil sa bagyo, itinaas na ng PAGASA ang Signal No. 4 sa ilang bahagi ng Luzon gaya ng timog-kanlurang Ilocos Sur (Santa Lucia, Santa Cruz, Tagudin), hilagang-kanlurang La Union (Bangar, Luna, Balaoan, Bacnotan, San Juan, Lungsod ng San Fernando, Bauang), at matinding hilagang-kanlurang Pangasinan (Agno, Bani, Bolinao, Anda, Lungsod ng Alaminos).

-- ADVERTISEMENT --

Signal No. 3 naman ang nakataas sa katimugang bahagi ng Ilocos Norte, natitirang bahagi ng Ilocos Sur at La Union, hilaga at kanlurang bahagi ng Pangasinan, lalawigan ng Abra, at kanlurang bahagi ng Mountain Province at Benguet.

Signal No. 2 ang nakataas sa natitirang bahagi ng Ilocos Norte at Pangasinan, gayundin sa Apayao, Kalinga, Ifugao, natitirang bahagi ng Mountain Province at Benguet, Babuyan Islands, hilaga at kanlurang bahagi ng mainland Cagayan, kanlurang bahagi ng Nueva Vizcaya, at hilagang bahagi ng Zambales.

Samantala, nasa Signal No. 1 ang Batanes, natitirang bahagi ng Cagayan, kanluran at gitnang bahagi ng Isabela, Quirino, natitirang bahagi ng Nueva Vizcaya, natitirang bahagi ng Zambales, hilagang bahagi ng Bataan, lalawigan ng Tarlac, hilagang bahagi ng Pampanga, at kanluran at gitnang bahagi ng Nueva Ecija.

Patuloy na pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha, landslide, at matinding hangin na dulot ng bagyo.