Lumakas pa ang bagyong Kiyapo at isa na itong Tropical Storm habang patuloy na papalapit sa Extreme Northern Luzon.

Pinakahuling Namataan ang sentro ng bagyo sa layong 345 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay ng Kiyapo ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa sentro, habang umaabot naman sa 80 kilometro bawat oras ang bugso ng hangin.

Kumilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro bawat oras.

Sa ngayon ay nasa ilalaim ng Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 ang Batanes, Babuyan Islands, ilang bayan sa hilagang bahagi ng Cagayan gaya ng Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Buguey, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes at Pagudpud sa Ilocos Norte.

-- ADVERTISEMENT --

Maaaring makaranas ang mga lugar na nasa Signal Number 2 ng lakas ng hangin na 62 hanggang 88 kilometro bawat oras sa loob ng 24 oras.

Samantala, nakataas naman ang Signal Number 1 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at ilang bahagi ng Aurora.

Nagbabala ang mga kinauukulan ng posibilidad ng malalakas na ulan at pagbugso ng hangin dahil sa epekto ng bagyong Kiyapo at ng Southwest Monsoon o Habagat.

Posible umanong itaas sa Signal Number 3 ang babala kung lalo pang lalakas ang bagyo habang dumaraan sa Batanes-Babuyan Islands.

Sa karagatan, nananatiling mapanganib ang paglalayag partikular sa hilagang baybayin ng Northern Luzon dahil sa malalaki at mapanganib na alon.

Posibleng dumaan ang sentro ng Kiyapo malapit sa hilagang-silangang bahagi ng Cagayan ngayong umaga hanggang hapon, bago tumama o dumaan nang napakalapit sa Babuyan Islands ngayong hapon hanggang gabi.

Inaasahang lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility o PAR bukas ng umaga, ngunit patuloy pa itong lalakas at maaari pang maging Severe Tropical Storm habang tumatawid sa Extreme Northern Luzon.

Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa banta ng bagyo, na manatiling alerto at sundin ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad.