Kinumpirma ng PAGASA na lumakas bilang tropical storm ang dating tropical depression na si Nando nitong Huwebes ng gabi.

Huling namataan ang bagyo dakong alas-8 ng gabi sa layong 1,175 kilometro silangan ng Gitnang Luzon, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras at bugso na hanggang 80 kilometro kada oras, habang mabagal na kumikilos pahilagang-kanluran.

Ayon sa PAGASA, mababa ang tsansa na direktang makaapekto si Nando sa panahon ng bansa sa susunod na 48 oras.

Gayunman, inaasahang paiigtingin nito ang habagat na maaaring magdala ng malalakas na pag-ulan pagsapit ng Linggo, Setyembre 21, o Lunes, Setyembre 22.

Posible ring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa hilagang Luzon pagsapit ng Sabado.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa forecast track, maaaring dumaan malapit o maglandfall ang sentro ng bagyo sa Babuyan Islands mula Lunes ng hapon hanggang Martes ng umaga bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Martes ng hapon o gabi.

Hindi rin isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad na lumakas pa ito at maging super typhoon.