Nagbabala ang Department of Science and Technology (DOST) sa publiko laban sa epekto ng bagyong Nando sa malaking bahagi ng Luzon.

Ayon kay DOST-PAGASA Asst. Weather Services Chief Chris Perez, malaki ang posibilidad na magdudulot ito ng malawakang pag-ulan at malalakas na hangin, dahil sa patuloy na paglakas ng bagyo, habang nasa silangang karagatan ng bansa.

Ayon kay Perez, malaki ang posibilidad na bukas ay tuluyan na itong aabot sa typhoon category at patuloy na lalakas habang binabaybay ang karagatan ng bansa.

Pagsapit ng Lunes, maaari itong maging ganap na supertyphoon kung mapanatili ang paglakas – ang unang supertyphoon na mararanasan ng Pilipinas ngayong taon.

Hindi rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad na magla-landfall ang naturang bagyo sa alinmang isla na bahagi ng Calayan o Babuyan Group of Islands sa Northern Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Perez, maaari itong mangyari sa gabi ng Lunes o umaga ng Martes sa susunod na lingo.

Nilinaw naman ng Asst. Weather Services chief na dahil sa malawak na area o probability ng naturang bagyo, kailagang maghanda ang mga probinsya ng Cagayan, Isabela, Batanes, atbpang katabing probinsiya, dahil sa malakas na hangin at mga pag-ulang dala ng bagyo.

Posibleng aabot sa Wind Signal No. 5 ang pinakamataas na wind signal number ng naturang bagyo.

Inaasahang bukas ay itaas na rin ang Signal No. 1 sa ilang lugar sa Northern Luzon.