
Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Kalmaegi na may lokal na pangalang Tino nitong Linggo ng umaga.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,230 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 85 km/h malapit sa gitna at bugso na hanggang 105 km/h, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Bagama’t wala pang direktang epekto sa panahon ngayong Linggo, magdadala ang buntot ng bagyo ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Northern Samar, Eastern Samar, at Dinagat Islands. Posibleng magdulot ito ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Inaasahang tatama sa kalupaan ng Caraga o Eastern Visayas si Tino sa Martes ng umaga bago lumabas patungong West Philippine Sea. Sa mga susunod na oras, inaasahang itataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Eastern Visayas at Caraga. Posibleng umabot sa Signal No. 4 ang pinakamataas na babala habang lumalakas ang bagyo.
Makakaranas ng malalakas na pag-ulan sa Lunes sa Eastern Samar at Dinagat Islands, habang katamtamang ulan naman sa iba pang bahagi ng Visayas, Bicol, at Northern Mindanao.
Samantala, patuloy na naaapektuhan ng shear line ang silangang bahagi ng Northern at Central Luzon, habang ang Amihan o Northeast Monsoon ay nakakaapekto sa natitirang bahagi ng Hilagang Luzon.










