Nagbabala ang state weather bureau na ang paparating na bagyo na si Uwan ay napakalakas at lalo pa itong lalakas habang papalapit sa ating bansa.

Ibinabala ng PAGASA na mapanganib ang nasabing weather system, dahil sa malawak nitong sirkulasyon na umaabot sa 720 kilometers ang radius o 1,400 hanggang 1,450 ang diameter nito.

Inaasahan na magdadala si Uwan ng mapaminsalang hangin, malalakas na mga pag-ulan at mapanganib na storm surge o daluyong.

Dahil dito, asahan na magkakaroon ng malawakang mga pagbaha at landslides.

Pinapayuhan ang publiko lalo na ang posibleng dadaanan ng bagyo na maghanda at lumikas na habang wala pa ng bagyo, lalo na ang mga residente na nasa delikadong lugar at hindi matibay ang kanilang mga bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Huling namataan ang Severe Tropical Storm Uwan sa 1,325 km sa silangan ng Easten Visayas.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 100 km/h, at pagbugso na hanggang 125 km/h.

Kumikilos ito west northwest sa bilis na 20 km/h.

Sa ngayon wala pang direktang epekto ang bagyo sa ating bansa.

Ang pagkilos ni Uwan ay west northwestward sa forecast period, at tinatayang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility mamayang gabi o bukas ng umaga.

Tinatayang mag-landfall si Uwan sa southern portion ng Isabela o sa northern portion ng Aurora sa Linggo, November 9 ng gabi o Lunes, November 10 ng umaga.

Pagkatapos ng landfall, tatawirin nito ang kabundukan ng Northern Luzon at lalabas ito sa West Philippine Sea sa umaga o hapon ng Lunes.

Sa intensity, tinatayang mabilis ang paglakas ng tropical cyclone at magiging typhoon category sa susunod na 24 oras at super typhoon category bukas ng gabi o umaga ng Linggo.

dahil dito, ang posibleng pinakamataas na Wind Signal para sa forecast scenario ay Wind Signal No. 5.

Inaasahan na magsisimulang mararamdaman ang hagupit ni Uwan sa araw ng Linggo.

May potensiyal nang mapanganib na kundisyon sa Northern Luzon at ilang bahagi ng Central Luzon sa Lunes at Martes.