Umabot na sa 2.4 milyong pamilya o 8.4 milyong indibidwal sa 10 rehiyon sa Luzon, Visayas at Mindanao ang naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan, Habagat at mga nagdaang bagyo, ayon sa Office of Civil Defense o OCD.

Sa tala ng OCD hanggang alas-6 ng gabi nitong Linggo, nananatili sa 32 ang bilang ng nasawi, habang 19 ang sugatan at tatlo ang nawawala.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Cordillera Administrative Region, Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula at Metro Manila.

Nasa 35,500 pamilya o 122,500 indibidwal naman ang kasalukuyang nanunuluyan sa 1,115 evacuation centers.

Samantala, nakataas pa rin ang orange at yellow rainfall warnings sa ilang lugar sa Luzon. Kabilang sa mga nasa ilalim ng orange warning ang ilang bahagi ng Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga at Bulacan, kung saan patuloy na nagbabanta ang pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Nasa yellow rainfall warning naman ang ilang lugar sa Nueva Ecija, Metro Manila, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas at Bataan.

Samantala, idineklara na rin ang state of calamity sa Tarlac matapos gumuho ang dalawang tulay sa lalawigan. Dahil dito, umakyat na sa 118 ang kabuuang bilang ng mga probinsya at lokal na pamahalaan na nagdeklara ng state of calamity.

Ayon naman sa weather bureau, patuloy na pinapalakas ng Tropical Depression Pilandok ang Habagat kahit wala itong direktang epekto sa bansa. Hapon nitong Linggo, nasa 1,180 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon ang bagyo at mabagal na kumikilos pahilagang-kanluran.