Maaari ng daanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang Magapit Road sa Brgy. Lalafugan, Lal-lo, Cagayan na unang inabot ng tubig-baha dahil sa tuluy tuloy na pag-ulan na dulot ng shearline at amihan.
Ayon kay Maricel Asejo, tagapagsalita ng Department of Public Works and Highways (DPWH)- Region 2, humupa na ang baha sa naturang pangunahing lansangan.
Bukod dito, maaari na rin madaanan ang kalsada sa bahagi ng Maddela at Nagtipunan sa lalawigan ng Quirino matapos ang isinagawang clearing operations sa nangyaring landslide.
Samantala, tuluyan namang isinara sa lahat ng uri ng sasakyan ang kalsada sa bahagi ng Baybayog- Baggao- Dalin- Sta. Margarita Road sa Brgy. Bitag Grande, Baggao dahil sa mataas na lebel ng tubig simula alas 3PM, kahapon.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan na lamang sa alternatibong ruta via Junction Gattaran Cumao-Capissayan-Sta. Margarita-Bolos Road.
Dahil pa rin sa pag-apaw ng tubig sa Cagayan river, ay hindi na rin madaanan ang Pinacanauan overflow bridge sa Tuguegarao City.
Sarado rin sa lahat ng uri ng sasakyan ang Pinacanauan Avenue, Riverbank, Centro 1, Tuguegarao City at Alcala-Baggao road.