Walang naisalba na anomang kagamitan sa bahay ng chief tanod ng Carig Sur, Tuguegarao City na tinupok ng apoy kaninang umaga.
Kinilala ang may-ari ng bahay na si Joeselina Narag.
Kaugnay nito, sinabi ng anak na si Mark Anthony Narag, nasa loob siya ng kuwarto nang mapansin niya na may umuusok kaya agad siyang lumabas at dito nakita niya ang apoy.
Sinubukan niyang apulain ang apoy subalit dahil sa mabilis na lumaki at kumalat ang apoy ay lumabas na lamang siya.
Tumulong na rin ang kanilang mga kapitbahay sa pag-apula sa apoy habang hinihintay ang mga bombero.
Pagdating ng mga bombero ay nilamon na ng apoy ang bahay hanggang sa ito ay maabo.
Maging ang kanilang alagang aso ay natusta.
Sinabi ni Mark Anthony na posibleng ang pinagmulan ng apoy ay sa wire na nginatngat umano ng mga daga.
Ayon sa kanya, apat sila na nasa loob ng bahay nang mangyari ang sunog.
Idinagdag pa ni Mark Anthony na dinala sa ospital ang kapatid ng kanilang boarder na nakitulog lang sa kanilang bahay matapos na makalanghap ng usok nang hindi agad makalabas.
Nabatid na nakalabas na ang babae sa ospital at pauwi na siya sa bayan ng Lasam.
Sinabi naman ni Joeselina Narag na marami ang nagbigay sa kanila ng tulong kabilang ang City Social Welfare and Development tulad ng mga pagkain, mga damit, mga kumot, lutuan at iba pa.
Ayon sa kanya, na wala siya sa kanilang bahay ng mangyari ang insidente dahil sa pumunta siya sa kanilang punong barangay.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection sa tunay na sanhi ng apoy at kung magkano ang halaga ng natupok.