TUGUEGARAO CITY-Sapilitang pinasok ng apat na hindi pa nakikilalang kalalakihan ang bahay ng isang magsasaka sa bayan ng Ballesteros at tinangay ang perang nagkakahalaga ng P7,500.
Ayon kay Police senior master Sergeant Eduardo Serano ng PNP-Ballesteros, pasado alas otso ng gabi noong Agosto 8, 2020 nang lumabas ang biktima na si Josie Oandasan, 50-anyos ng Brgy San Juan para magbanyo.
Bago pa makapasok ang biktima pabalik sa loob ng kanyang bahay, inabangan na siya ng apat na kalalakihan sa pintuan kung saan tinutukan siya ng baril at pilit na pinakuha ang naturang halaga.
Dahil sa takot, kusang ibinigay ng biktima ang kanyang pera at hindi na niya nagawa pang manlaban.
Malayo sa kabahayan ang bahay ng biktima kung kaya’t hindi agad nakahingi ng tulong.
Nabatid na nakasuot ng jacket na camouflage, itim na pantalon at nasa 5’3 ang tangkad na nakasuot ng bonete ang mga suspek kung kaya’t hindi nakilala ng biktima ang mga pumasok sa kanyang bahay.
Sinabi ni Serano na batay sa salaysay ng biktima, maaaring kakilala rin nito ang mga suspek dahil hindi tumahol ang kanyang mga alagang aso ng gabing siya’y pasukin.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang pagkahuli ng mga suspek.