TUGUEGARAO CITY- Totally damaged ang isang bahay matapos madaganan ng dalawang malalaking punongkahoy na natumba dahil sa pagguho ng lupa dulot ng tuloy-tuloy na pag-uulan na naranasan sa Lubuagan, Kalinga.
Ayon kay Harvey Calilong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Kalinga,
isang pamilya na may anim na miembro ang apektado sa naturang insidente na ngayon ay nasa evacuation
center na.
Wala namang naitalang nasugatan sa pamilya ni Mildred Pangcao ng Brgy. Upper Uma dahil kaagad silang
nakalikas bago matumba ang mga punong kahoy sa kanilang bahay.
Nagbigay na rin ng tulong ang LGU-Lubuagan maging ang Provincial Government ng Kalinga sa pamilya
habang kasalukuyan na ang ginagawang assessment sa nasirang bahay na siyang pagbabasehan sa ibibigay na
tulong pinansyal ng gobyerno sa mga biktima.
Bukod dito, pitong pamilya na katumbas ng 45 indibidwal ang lumikas din dahil sa pagguho ng lupa sa
Brgy. Maling sa bayan ng Balbalan dahil pa rin sa pag-uulan na naranasan na dulot ng habagat.
Kaagad namang nagpadala ng agarang tulong ang pamahalaan ng Kalinga sa mga biktima na ngayon ay nasa
evacuation center.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Calilong ang publiko lalo na ang mga nakatira sa gilid ng bundok na maging
alerto at mag-ingat dahil panahon na naman ng tag-ulan at madaling lumambot ang lupa na maaring sanhi
ng landslide.