Target na mai-rehistro ng Department of Agriculture (DA) sa Bureau of Animal Industry (BAI) ang kauna-unahang native chicken sa Cagayan Valley na tinawag na “Dados” chicken.

Ayon kay Ferdinand Arquero, assistant regional livestock focal person ng DA-RO2 na limang taong pinag-aralan ng mga eksperto mula sa naturang ahensya at farm caretaker ang naturang breed ng manok na inilunsad sa rehiyon nitong April 2023.

Ito ay resulta ng 4-way crosses na tinawag na cross black na pinalalaki para sa karne nito at 3-way crosses o dados bird na na-develop mula sa tatlong magkakaibang breed bilang palahiang inahin o layer type.

Ilan naman sa mga katangian ng naturang manok kung ikukumpara sa karaniwan ay malaki, matangkad, mas marami kung mangitlog at hindi na kailangan ng incubator para sa mga sisiw habang ang bigat nito ay umaabot sa 1.9 kilos sa loob ng 60-araw ng pag-aalaga.

Kauna-unahan namang benepisaryo ng Dados chicken na nagkakahalaga ng P2.1 milyon ang chicken multiplier farm o isang kooperatiba sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya sa ilalim ng Livestock Economic Enterprise Development.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito ay may isa pang asosasyon sa rehiyon ang nabigyan ng Dados chicken, kasama ang sampung individual farmers na katuwang ng ahensya sa massive production.

Samantala, sinabi ni Arquero na target din nilang makapamahagi ng 4-K breed nito sa mga magsasaka sa susunod na taon.