
Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may natukoy na gumagalaw na istruktura sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., tinatayang may sukat na 6×6 metro ang naturang istruktura at nakita umanong may sakay na anim na tao.
Upang matukoy ang tunay na kalikasan nito, nagpadala ang militar ng mga aircraft para magsagawa ng aerial monitoring sa lugar.
“Nagpalipad tayo ng mga eroplano sa Bajo de Masinloc or Scarborough Shoal para makita natin ang ginagawang structures doon—if it is a floating structure or a fixed structure,” ani Brawner.
Dagdag niya, sa pinakahuling larawan mula sa Philippine Air Force, makikitang may mga tao sa ibabaw ng istruktura na may antena, ngunit hindi pa malinaw kung ano ang aktibidad ng mga ito.
Patuloy na nagsasagawa ng aerial surveillance ang AFP tuwing papayagan ng kondisyon ng panahon at nakatakda rin umanong magpadala ng mga barko para sa mas malalim na monitoring sa lugar.
Ayon pa kay Brawner, kahalintulad ito ng naunang satellite imagery na iniulat ng mga maritime expert.
Nagbabala rin ang AFP sa anumang posibleng pagtatayo ng mga istruktura na maaaring magbago sa katayuan ng shoal, at binigyang-diin na hindi papayagan ng militar ang ganitong gawain sa West Philippine Sea.
Kasabay nito, sinabi ng AFP na may ginagawa nang diplomatic actions ang pamahalaan, kabilang ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga kaalyado at partner nations.
Giit ng militar, nananatiling pangunahing opsyon ng gobyerno ang diplomasya sa pagresolba ng usapin sa West Philippine Sea.




