Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkawala ng busto ni Dr. Jose Rizal na matatagpuan sa Place Jose Rizal sa ika-9 na arrondissement ng Paris, France.

Ayon sa DFA, napag-alamang nawawala ang busto sa pagitan ng Oktubre 25 at 26. Nagsumite na ng ulat ang Philippine Embassy sa mga awtoridad ng France upang imbestigahan ang insidente.

Ang busto, likha ng iskultor na si Gerard Lartigue, ay itinayo noong 2022 bilang pagpupugay sa pambansang bayani ng Pilipinas at bilang simbolo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at France.

Sa pahayag ng DFA, binigyang-diin nito na ang busto ni Rizal ay mahalagang landmark para sa mga Pilipino sa Paris at sagisag ng diwa ng kabayanihan, katalinuhan, at pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Patuloy umanong nakikipagtulungan ang embahada sa mga lokal na awtoridad at sa Filipino community sa Paris upang mahanap o mapalitan ang nawawalang monumento.

-- ADVERTISEMENT --

Si Dr. Jose Rizal ay unang bumisita sa France noong 1883, kung saan nanatili siya ng tatlong buwan bago mag-aral sa Madrid. Kalaunan ay nagsanay siya sa ilalim ng kilalang ophthalmologist na si Dr. Louis de Wecker at bumalik-balik sa France hanggang 1891, matapos niyang isulat ang El Filibusterismo sa Biarritz.