Nakarating na sa dulong bahagi ng Pilipinas ang kabuuang 277 doses ng bakuna ng Sinovac na alokasyon para sa mga health care workers sa lalawigan ng Batanes.

Ayon kay PLt.Col Rico Cayabyab, tagapagsalita ng Batanes Police Provincial Office na lumapag sa Basco Terminal Airport ang dalawang Black Hawk Helicopters ng Philippine Air Force na lulan ang mga bakuna at idiniretso sa Provincial Health Office.

Sa kabuuang bilang ng mga dumating na doses ng bakuna, sinabi ni Cayabyab na 150 doses ang alokasyon para sa Batanes General Hospital (BGH); 49 doses naman sa Itbayat District Hospital (IDH) at 78 doses naman ang kabuuang ibibigay sa mga nurses na nakatalaga sa quarantine facilities ng probinsya.

Bukas (March 9), sisimulan na ang pagbabakuna sa BGH na magsisilbing vaccination center ng probinsiya na magtatagal ng dalawang araw.

Ibibiyahe na rin bukas sa pamamagitan ng bangka ang alokasyong bakuna para sa mga healthcare workers ng Itbayat District Hospital.

-- ADVERTISEMENT --

Magsisilbing seguridad at escort sa paghahatid ng COVID-19 vaccine ang PNP at Philippine Navy upang matiyak ang kaayusan at distribusyon nito sa dulong hilagang isla.