Narekober ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ang isang arms cache ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Sitio Barikir, Brgy. Maxingal, Lal-lo, Cagayan.
Ayon kay Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na itoy kasunod ng impormasyon na isiniwalat ng isang dating rebelde kaugnay sa lokasyon ng mga pampasabog at mga libro na ibinaon sa lupa sa bulubunduking bahagi ng naturang lugar.
Sinabi ni Pamittan na kabilang sa mga narekober ay ang apat na bala ng kanyon at mga supersibong dokumento o mga libro na pang-propaganda na ginagamit na taktika ng makakaliwang grupo para makapag-recruit ng mga karagdagang kasamahan dahil sa lumiliit na nilang pwersa.
Ang bala ng kanyon ay napag-alamang 105-millimeter at 155-millimeter artillery na bagamat walang fuse at kinakalawang na ay posible pa rin itong sumabog dahil may laman pang pulbura.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng 17IB ang mga narekober na pampasabog at gamit para sa kaukulang disposisyon habang nagpapatuloy ang pagtugis sa mga rebeldeng grupo sa tri-boundaries ng Lal-lo, Gonzaga at Sta Teresita.