Narekober ang isang bala ng 60-millimeter mortar na pinaniniwalaang iniwan o itinapon lamang sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan.

Ayon kay PEMSgt Boy Turingan, imbestigador ng PNP-Sanchez Mira na una itong natagpuan ng isang bata malapit sa kanilang bahay habang nakikipaglaro sa mga kaibigan.

Napansin umano ng naturang bata ang bomba na nakasilid sa sira-sirang sako at naka-plastic kung saan inuwi pa niya ito sa pag-aakalang ito ay laruan.

Sa pagresponde ng pulisya, live pa ang mortar na may sukat na 14 inches dahil mayroon pa itong fuse o nakakabit na trigger device upang ito ay pasabugin at posible rin sumabog kung mahulog o mapukpok.

Ang bala ng mortar ay ibinigay na sa pangangalaga ng Explosive Ordnance Disposal sa bayan ng Claveria.

-- ADVERTISEMENT --