Ibinalik ng isang beluga whale sa Hammerfest, Norway na pinanghihinalaang sinanay bilang spy ang cellphone na nahulog ng isang babae sa dagat.
Nagpunta si Ina Mansika noong Mayo 6 sa Hammerfest para lang makita ang sinasabing “Russian spy” na balyena nang mahulog ang cell phone niya sa tubig.
Inakala ni Ina na hindi na niya makukuha pang muli ang kanyang cell phone kaya laking gulat niya ng sinisid ng beluga whale ang cell phone at kinuha ito mula sa ilalim ng dagat upang maibalik sa kanya.
Lumitaw ang balyena sa Norway nito lamang nakaraang linggo habang suot ang isang harness na may nakasulat na“Equipment of St. Petersburg.”
Ayon sa mga Norwegian scientists, posibleng sinanay ang balyena ng Russian military.
Bagama’t hindi pa kumpirmado ang haka-hakang ito, pinaplano nang ilipat ng mga opisyal sa Norway ang beluga whale sa isang marine sanctuary sa Iceland.