
Nais ni Senador Bam Aquino, tagapangulo ng Senate Committee on Basic Education, na magsagawa ng pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang ipatupad ng Department of Education (DepEd) ng sistemang trimestral para sa School Year 2026-2027.
Ayon sa kanya, bago ipatupad ang sistema, mahalagang sumailalim ito sa malawakang konsultasyon upang masusing mapag-aralan at mapag-usapan ang mga posibleng epekto nito.
Sinusuportahan ng komite ang DepEd sa mga panukalang reporma na layong tugunan ang learning gap at mabawasan ang sobra-sobrang gawain ng mga guro na hindi direktang pagtuturo, ngunit binigyang-diin ang pangangailangang isagawa ang mga hakbang na ito nang maingat.
Pinag-aaralan ng DepEd ang pagpapatupad ng trimestral system bilang bahagi ng mas malawak na plano para sa balanseng pamamahala ng oras ng mga estudyante at mas flexible na paraan ng pagtuturo.
Layunin ng hakbang na ito na magkaroon ng mas mahahabang tuloy-tuloy na panahon ng pagkatuto, mas maayos na pacing ng mga aralin, at mas mababang administrative burden para sa mga guro upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon.
Ang sistemang trimestral ay maghahati sa 201 araw ng klase sa tatlong term, kung saan ang bawat isa ay magkakaroon ng tuloy-tuloy at maayos na mga aralin at gawain para sa mga estudyante.
Ang unang term ay mula Hunyo hanggang Setyembre, susundan ng ikalawang term mula Setyembre hanggang Disyembre, at ang huling term ay mula Enero hanggang Marso, na may 54 hanggang 61 araw ng pagtuturo bawat term at may kaunting pagkaantala para sa non-academic activities at enrichment blocks.
Ilalabas ng DepEd ang mga patakaran at gabay hinggil sa trimester calendar sa mga susunod na araw, matapos makipagkonsulta sa mga kaukulang stakeholder.










