Inatasan ng National People’s Coalition (NPC) na alisin na si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, mula sa listahan ng kanilang mga miyembro dahil sa mga paratang na sangkot ito sa ilegal na Philippine offshore gaming operator (Pogo) hub sa kanyang bayan.

Sa sulat na petsa Hunyo 22, inatas ni NPC chairman at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang order matapos tumanggap ng petisyon mula kay Tarlac Gov. Susan Yap noong Hunyo 17.

Sa kanyang liham, nauna nang sinabi ni Yap na hindi makapagbigay si Guo ng compelling evidence na makapagpapatunay na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya.

Batay sa mga ulat, ini-utos ng Office of the Ombudsman ang suspensyon ni Guo matapos ang mga reklamo na isinampa ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Bukod dito, nag-file rin ng kaso ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ng qualified human trafficking laban kay Guo dahil sa alegasyon na konektado siya sa labor trafficking ng halos 500 dayuhang Pogo workers.

-- ADVERTISEMENT --