TUGUEGARAO CITY-Patuloy ang ginagawang panghihikayat at pagtulong ng Department of Trade and Industry o DTI Region 2 sa mga Local Government Units para sa pagbalangkas at pagpasa ng ordinansa para sa institutionalization ng Bamboo Development Program sa ilalim ng Bamboo Comprehensive Development Plan kung saan author ang nasabing tanggapan.

Sinabi ni Ana Katrina Garcia, bamboo focal person ng DTI na sa ngayon ay mayroon ng 50 na LGUs sa rehion ang nakapagpasa na ng ordinansa may kaugnayan sa nasabing programa.

Ipinaliwanag ni Garcia na nasa probisyon ng ordinansa ang pagbalangkas ng bamboo development plan at paglalaan ng pondo para sa nasabing proyekto.

Ayon sa kanya, ang ordinansa ang magsisilbing bibliya ng bawat LGU para sa promosyon at sustainability ng bamboo industry sa rehion.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na katuwang nila sa nasabing proyekto ang Philippine Bamboo Foundation INC. sa pagtulong sa mg LGUs sa pagpapatupad ng nasabing programa kung saan ay nagkaroon sila mentoring session na dinaluhan ng 80 participants.

Ayon sa kanya, sisikapin din nila na magkaroon ng face to face workshop para sa mas epektibong pagtuturo sa propagation at pagtatanim ng mga kawayan.

Sinabi ni Garcia na nabuo ang nasabing proyekto dahil sa nakita ng DTI na malaki ang maitutulong ng kawayan sa pangkabuhayan ng mga mamamayan at malaki din ang naitutulong nito sa ating kalikasan.

Ayon sa kanya, maraming magagawa mula sa kawayan tulad na lamang ng bahay, handicrafts, tela at iba pa bukod pa sa nakukuhang pagkain mula dito na bamboo shoots o labong.

Sinabi pa ni Garcia na may gumagawa na rin ng engineered bamboo na ito ngayon ang in demand at plano na mapalago pa ito upang maka-export na rin sa ibang bansa.

Ayon sa kanya, isang multibillion industry ang kawayan kung saan ang top exporter ng engineered bamboo ay ang China habang panglima naman ang bansa.

Bukod sa pangkabuhayan,malaki din ang naitutulong ng mga kawayan sa pagpigil ng soil erosion at nagbibigay ng malinis na hangin.

Ayon kay Garcia, ito ang mga dahilan kaya tinawag na “grass of life” ang kawayan.