Pinahihintulutan na ngayon ang pagpasok ng karne o buhay na baboy at processed pork products sa probinsya ng Cagayan.

Itoy matapos iutos ni Cagayan Governor Manuel Mamba na tanggalin na ang ban sa live hogs, karneng baboy at mga produktong nauugnay dito sa pagsisikap nitong iregulate ang suplay at demand ng baboy at mapababa ang presyo nito sa pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr Noli Buen, Provincial Veterinarian na mula nang ipatupad ang temporary ban sa mga pork products sa lalawigan dahil sa swine virus ay naramdaman ang kakulangan sa suplay ng karne na dahilan ng pagsirit ng presyo nito na sa kasalukuyan ay naglalaro sa P340 hanggang P350 kada kilo.

Gayunman, may mga ipi-prisintang dokumento o kaukulang protocols pa rin na ipapasunod sa mga quarantine checkpoints ng lalawigan para sa mga indbibidwal na magpapasok ng karne at buhay na baboy tulad ng meat inspection certificate.

Sa kabila nito, ipinaalala ni Buen na hindi pa rin pinahihintulutan ang paglabas ng mga buhay at karne ng baboy sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang dahil sa ASF, ay inihayag ng PVO na sumadsad ang swine population ng Cagayan ngayong taon kung saan patuloy ang isinasagawang repopulation sa ilalim ng programang sentinel na ayuda ng pamahalaan upang matulungang makabangon ang mga nag-aalaga ng baboy.