Hinihiling ng Ban Toxics na tanggalin sa merkado ng isang plastik na laruan na gawa sa China na tinawag na “Shrilling Chicken” matapos na ipagbawal ang bentahan sa mga bansa sa Europe dahil sa seryosong panganib nito sa kalusugan at sa kapaligiran.

Sinabi ni Thony Dizon, toxics campaigner ng Ban Toxics na batay sa kanilang monitoring sa Metro Manila ay may mga nakita silang nagbebenta ng nasabing mga laruan.

Ito ay sa kabila na noong 2020 pa naglabas ng advisory ang Food and Drugs Administration na bawal itong ibenta at huwag tangkilikin ang mga nasabing laruan dahil sa nagtataglay ito ng nakalalasong kemikal.

Sinabi ni Dizon na marami ang naeengganyo na bumili ng nasabing laruan dahil ito ay cute subalit mapanganib sa kalusugan.

Binigyan diin ni Dizon na hindi dapat na magsayang ng panahon ang mga kinauukulang ahensiya ng bansa at tanggalin na ang mga nasabing laruan sa palengke na noon pang 2010 ibinebenta.

-- ADVERTISEMENT --