Dismayado ang grupong Ban Toxics dahil hanggang ngayon ay naibebenta pa rin online ang ilang whitening products na naglalaman ng mga nakalalasong kemikal na delikado sa kalusugan.

Sinabi ni Thony Dizon, campaigner ng nasabing grupo na marami pa rin ang nagbebenta sa online ng FEIQUE products lalo na ang whitening cream sa kabila na matagal na itong ipinagbawal ng Food and Drug Administration.

Ayon sa kanya, unang ipinagbawal ng FDA ang isang variant ng nasabing produkto noong 2013, subalit may lumabas na iba pang variant ng parehong produkto.

Dahil dito, muling naglabas ng panibagong ban ang FDA, subalit patuloy pa rin ang bentahan nito online.

Sinabi ni Dizon, batay sa pagsusuri, nagtataglay ng 7,500 part per million ng mercury ang nasabing mga produkto na delikado sa tao lalo na kung madalas itong ginagamit.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag niya na ang dapat lamang na taglayin na mercury ng isang beauty product ay 1 part per million.