Inihayag ni US President Donald Trump na walang survivors sa nangyaring midair collision sa pagitan ng American Airlines regional jet at US Army Black Hawk helicopter kagabi sa Washington, DC.

Ito ang itinuturing na pinakamapaminsala na banggaan ng dalawang sasakyang panghimpapawid buhat noong 2001.

Kaugnay nito, nagsasagawa na ng recovery operation ang emergency authorities at may nakita nang 28 katawan.

Ayon kay DC Fire Chief John Donnelly, sa kabila ng hindi magandang panahon, tiwala siya na makukuha nila ang lahat ng mga sakay ng dalawang sasakyang panghimpapawid na bumagsak sa Potomac River.

Sinabi niya na 20 oras na walang tigil sa paghahanap ang mga diver, kung saan ang hamon sa kanilang recovery efforts ay ang malakas na hangin, ice at jet fuel sa tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Ang eroplano na mula sa Wichita, Kansas, ay sakay ang 60 pasahero at apat na crew members, habang tatlong sundalo ang lulan ng helicopter.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang mga awtoridad na pinapangunahan ng National Transporation Safety Board, kung saan sinabing umaasa sila na makakapaglabas sila ng preliminary report sa loob ng 30 araw.

Samantala, kabilang sa mga sakay ng eroplano ay maraming miyembro ng figure skating community, na mula sa developmental camp sa Wichita.

Sa ngayon ay wala pang inihahayag na posibleng dahilan ng banggaan, subalit sinabi ng mga opisyal na maganda naman ang panahon nang mangyari ang insidente.

Ayon sa mga opisyal, papalapag na sana ang eroplano sa Reagan National Airport nang bumangga ito sa helicopter.

Ayon naman sa isang mataas na opisyal ng Army Aviation, ang Black Hawk crew ay “very experienced” at sanay na umano sa congested flying na palagiang karanasan sa Washington.

Sinabi pa ng opisyal na may recorders ang dalawang sasakyang panghimpapawid at kasalukuyan nang hinahanap ang mga ito upang malaman ang tunay na sanhi ng nasabing insidente.