
Isang bangkang may sakay na 15 katao ang nawawala sa karagatan ng Davao Occidental, kung saan isang tripulante pa lamang ang naililigtas ng mga awtoridad.
Kinilala ang nailigtas na isang crew member ng recreational dive boat na MBCA Amejara.
Agad siyang binigyan ng paunang lunas matapos matagpuang palutang-lutang sa dagat.
Patuloy pa ring kinakalap ng mga awtoridad ang mahahalagang impormasyon mula sa kanya kaugnay ng insidente.
Batay sa Coast Guard Station Davao Occidental, ang bangka ay may lulan na 11 pasahero at apat na tripulante.
Huling namataan ang MBCA Amejara sa karagatan ng Sarangani at patungo sana sa Governor Generoso, Davao Oriental noong Lunes.
Sa kasalukuyan, inuuna ng Philippine Coast Guard ang search and rescue operations upang mahanap ang iba pang nawawalang sakay ng bangka.
Patuloy na nananawagan ang mga awtoridad sa mga mangingisda at sasakyang pandagat sa lugar na makipag-ugnayan kung may mapapansing anumang palatandaan na makatutulong sa paghahanap sa mga nawawala.










