
Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang babae sa loob ng isang abandonadong plastik na drum sa gilid ng bangin sa Marcos Highway, Barangay San Jose, Antipolo City, nitong Enero 22.
Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga dumaraang sibilyan na may nakitang paa ng tao na nakalabas sa sako sa loob ng drum sa Sitio Cabading.
Agad namang rumesponde ang mga otoridad at nakumpirma itong bangkay.
Tinatayang nasa 20 taong gulang ang biktima, na may taas na humigit-kumulang 4’11 hanggang 5’0, at may ilang tattoo sa katawan kabilang ang ahas sa kaliwang hita, pulang butterfly sa kanang hita, at maliit na tattoo sa kaliwang braso.
Kasama umano ang Scene of the Crime Operatives (SOCO),kung saan sisiyasatin ng pulisya ang labi at ang lugar.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng biktima at kung paano napunta sa drum ang bangkay.










