
Natusta ang bangkay ng isang 35-anyos na babae matapos na masunog ang bahay kung saan siya nakaburol sa Barangay Pilipog sa bayan ng Cordova, Cebu kagabi.
Ayon sa Bureau of Fire Protection sa nasabing lugar, nangyari ang insidente ng 6:09 kagabi.
Itinaas ang second alarm at idineklara ang fire out matapos ang halos isang oras.
Batay sa paunang imbestigasyon ng BFP, binuksan ng may-ari ng bahay ang isang silid sa kanilang bahay, kung saan malaki na ang apoy.
Dahil dito, hindi na nakayanan ng may-ari ng bahay na apulain ang apoy at tumakbo palabas.
Nagtakbuhan din ang mga tao na nasa lamay.
Sinabi ng isa pa sa may-ari ng bahay na dahil sa apoy ay hindi na nila nagawang iligtas ang namayapa nilang kamag-anak na nasa kabaong.
Ayon sa kanya, bago ang sunog, nagsiga ang kanyang pamangkin ng egg tray at mosquito coil sa silid bilang panlaban sa mga lamok.
Malapit umano ang siga sa kawad ng kuryente na nagbunsod para ito ay mag-spark.
Agad umano silang kumuha ng tubig sa banyo, subalit pagbalik nila ay kumalat at malaki na ang apoy.
Nahirapan din ang mga bombero sa pag-apula ng apoy dahil sa nasa loob-looban ang bahay.
Dahil dito, inilagay sa ibang kabaong ang nasunog na patay at itutuloy ang lamay.










